Ang kontrabida laging may plano
November 13, 2010Bakit nga ba? Sa mga Pilipinong soap opera sa telebisyon, ang mga kontrabida hindi nauubusan ng plano. Kapag nabigo ang unang plano, meron pang “Plan B.” Mayroon silang mga goals o layunin, kahit pa ang pangunahin dito ay pahirapan ang bida.
At ang bida? Walang ginawa kundi magdrama at makalusot sa anumang pang-aapi na ginagawa ng kontrabida.
Ganito naman daw kasi ang patok sa madlang manonood. Sa totoo lang, nakakalason sa isip ng mga tao, lalo ng mga kabataan, ang ganitong palabas. Bakit kan’yo?
Hindi naman masama ang magplano sa buhay, ‘di ba? Bata pa lang tayo, tinatanong na kung ano ang gusto nating “maging” paglaki. Hinihikayat tayo sa paaralan na gumamit ng scientific method upang planuhing mabuti ang mga hakbang sa isang eksperimento. Itinuturo sa atin na ang mga gawain o proyekto ay nangangailangan ng pagpaplano.
Tapos, pagnood natin sa telebisyon, “bida” ang mga walang plano, at ang mga may plano eh masama?
Kung tuuusin, mas responsable nga ang mga kontrabida. Hindi nila ipinagpapaubaya sa suwerte ang pagtupad sa kanilang mga plano. Kumikilos sila, o kaya’y nag-uutos sila ng mga maaaring magsagawa ng kanilang mga plano. Sa mga kontrabida, hindi puwede ang bahala na – sila ang bahala.
Marunong din silang mamuno at mag-delegate ng trabaho. ‘Di ba kasama iyan sa mga itinuturo sa management? Kung mabigo sila, hindi rin sila basta sumusuko, isang katangiang kailangang-kailangan sa totoong buhay.
Kung buhay si Rizal, malamang mag-init ang ulo nu’n sa mga palabas sa telebisyon. Ang mga bida kasi sa kanyang likha ay karakter na palaban: si Crisostomo Ibarra na kumikilos tungo sa katuparan ng kanyang layunin. Nang hindi matupad ang kanyang mga plano, siya ay naging si Simoun, isang bidang mala-kontrabida na tuso at mapamaraan. ‘Yan ang bida!
Hindi na kataka-taka na ang mga nobela ni Rizal ay nakapagpaalab ng isang himagsikan.
Hindi naman bawal na ang mga mabubuting tao ay magplano, hindi ba? Hindi rin bawal na maging responsable, ang ituring ang sarili na may kapangyarihang magtakda ng mga pangyayari. Hindi bawal na ang mga mabubuting tao ang magkaroon ng inisyatiba upang dumaloy ang istorya ng buhay.
Kaya’t sa susunod na manonood tayo ng mga soap opera, suriin din natin ang ginagawa ng mga kontrabida. Huwag pamarisan ang mga maiitim nilang balak. Pero tiyak na may mapupulot tayo sa kanilang mga pamamaraan.
Wanted: Komiks
October 18, 2010Malupit ang naging karanasan ko nu’ng Setyembre. Kasama ko ang anak ko na naghanap ng aklat sa isang bookstore (wala palang libro sa botika eh). Kailangan, nobela na nasa wikang Filipino, hindi pwede ‘yung mga baduy na libro mula sa Precious Hearts Romances, ha! Tapos kelangan magkakaiba silang magkakaklase. Eh ilang sila sa klase? Sixty yata! Tapos ‘yung mga librong gusto n’ya (gaya nu’ng “Para kay B” ni Ricky Lee) meron nang ibang nakakuha.
Pagdating namin sa bookstore… pambihira… ang hirap palang maghanap ng makabuluhang nobelang Tagalog!
At nang mahanap namin, natuklasan naming karamihan nang andu’n ay pawang oldskul… kasi naman, ‘di pa yata ipinapanganak ang mga magulang ko nang masulat ang karamihan sa mga ‘yun. Actually, OA naman ako, ‘yung iba, kapanahunan naman ng magulang ko nang masulat. Ang librong napili namin (kasi pinakamura) ay “Mga Kaluluwa sa Kumunoy” ni Efren Abueg. Ang setting ng istorya: panahon bago ideklara ang Martial Law. Batay sa mga pananalita, kilos at gawi ng mga tauhan, mukhang noong mga panahong ding iyon nasulat ang nobela.
Maganda rin naman ang kuwento, at mabuti naman, may nabibili pa ring mga ganitong uri ng nobela sa panahong ito. Pero… ‘asan na ‘yung mga mas bago? Mukhang wala nang nagsusulat ng mga makabagong nagsusulat ng nobela, at kung may nagsusulat man… malamang sa wikang Ingles. At saka ‘yung mga sikat sa bookstore ay ‘yung mga nobelang nangangagat ni Stephanie Meyer at mga tearjerker ni Kulas Sparks. Hindi ka cool ‘pag wala ka nu’n ‘di ba?
S’yempre lahat ng ito ay kasalanan ng Kongreso dahil hindi pa rin nila nari-repeal ang “Law of Supply and Demand”. Wala naman kasing tumatangkilk — walang demand — kaya natigil ang supply. Pa’no ka nga naman gaganahang magsulat ng nobela sa wikang Filipino kung wala namang nagbabasa? At bakit ka naman magbabasa kung pwede mo namang marinig at mapanood sa TV ‘di ba? ‘Di na natin kelangang mag-imagine, lahat ng impormasyon ay isinusubo na sa ating mga mata at tenga.
Kamakailan lang napaulat ang paghihingalo raw ng industriya ng komiks sa bansa. Hindi ko nga alam na may mga nagpa-publish pa pala ng PIlipinong komiks. Pero makikita mo naman ang mga Pinoy na nakikipag-agawan sa computer para maghanap ng mga iniskan na pahina ng manga o Japanese comics. Dahil ba Pinoy ang gumawa kaya ayaw na naman nating tangkilikin?
Sa tanda kong ito, nabasa ko pa sa komiks ang mga nobelang isinapelikula tulad ng “Bituing Walang Ningning”, “Blusang Itim”, “Pasan ko ang Daigdig,” “Zuma” at oo, “Ang Babaeng nawawala sa Sarili.” Hindi namin binibili ang komiks, ina-arkila lang namin sa tindahan ni Ka Doni. Ang buhay nga naman ‘pag walang TV o Facebook. ‘Pano nga kaya ang mangyayari sa mundo kung may isang robot tulad ni Zarbot na ginawang sex machine ni Celia (Aliwan Komiks, page 3)?
Sana nga may mga bagong superhero na dumating at gumawa uli ng mga ganitong uri ng libangan. Para naman may nababasa ang mga tulad naming naiinip sa paghihintay makapag-computer, kasi nakababad ang mga kasama namin sa bahay na adik sa Facebook.
Karugtong ng pinakamahabang runway
October 8, 2010Noong panahon pa ng nakaraang administrasyon, may isang kolumnista (sori, nakalimutan ko na kung sino) na nagsabing ang PIlipinas na yata ang pinakamahabang runway sa buong daigdig. Tuwing nais magyabang ng sinumang Pangulo sa kanyang mga nagawa, lagi na lang sinasabi na tayo ay handa na para mag-”takeoff”, tila baga eroplanong aangat sa lupa upang tuluyan nang makalipad.
Ngayong si P-Noy na ang Pangulo, mukhang nagkaroon pa ng karugto ng ang ating pinakamahabang runway. Kasi banner headline na naman ng mga pahayagan ang sinabi ng Pangulo na “we’re ready for takeoff”. Ito ay sa kanyang talumpati makalipas ang unang 100 araw ng kanyang panunungkulan. Ayon naman sa teksto ng kanyang talumpati na nasa wikang Filipino, ang sinabi niya ay “handang-handa na tayo sa pag-unlad”.
Pero sa halip na husgahan si P-Noy dahil sa kanyang talumpati, ang masasabi ko’y dapat ngayon palang ay palitan na niya ang kanyang mga speechwriter. O kaya, ma-realize ng mga ito na nakakarindi na ang mga paulit-ulit na pagkukumpara, paninisi at pagbabanta sa nakalipas na administrasyon at iba pang bumabatikos sa kanya.
Hindi naman lahat ng pumupuna sa Pangulo ay nagnanais magbalik ang mga dating nagpasasa sa kapangyarihan. Marami sa atin ay naghahanap lamang ng kasiguruhan ng pamumuhay, o kaya ay nagnanais makita ang pakinabang sa ibinabayad nating buwis. Isa sa kanila ay isang walang-magawang call center agent na nagsusulat ng blog.
Ispiking op call centers, heto ang nabanggit ng Pangulo:
“Halimbawa, sa call center, kailangang panggabi ang trabaho. Kailangang magbukas ng kapihan, ng fastfood, ng mga convenience store. Hindi bababa sa dalawandaang libong trabaho ang malilikha pa—kahit hindi ka marunong mag-computer, may pagkakataon ka.”
Pero panahon pa ni Erap (ayon sa kanyang buladas sa kampanya) ang mga call center kaya wala nang bago rito. ‘Yung espasyong dapat inilaan sa pagbatikos sa mga kalaban niya, sana ay inilaan na lamangni P-Noy sa pagtalakay ng programa kung paano nga dadami pa ang mga trabahong malilikha. Kung wala, malamang ay “hopefully” lang iyan at nakaasa sa… ewan.
Kahit ngayon ay maaga pa para talaga para husgahan ang mga nagawa ng administrasyon ni P-Noy. Nguni’t malaking bagay talaga na nagawa ng kanyang pagsisimula na makitang may pag-asang maparusahan ang mga nagkasala, at ang salapi mula sa buwis na ating ibinabayad ay may patutunguhan at kindi kukurakutin lang. Malaking bagay ring malaman na ang gobyerno ay handang makinig at tumanggap ng pakikilahok ng mamamayan sa iba’t-ibang paraan, maging sa pamamagitan ng Internet.
Paangatin na natin ang eroplano ng ating bayan. Bago tayo maubusan ng runway.
Narito ang talumpati ni Pangulong Aquino sa ika-100 araw ng kanyang panunungkulan (PDF, nangangailangan ng Adobe Reader)
Balik-tanaw sa buhay ni St. Francis
October 4, 2010Mahirap mang paniwalaan, nagsimula ako ng hayskul sa isang Katolikong paaralan (bilang iskolar, ‘di kaya ng pamilya ko ang tuition). Isa sa mga ‘di ko malilimutang karanasan sa paaralang iyon ay nang dalhin ang buong klase namin sa library upang manood ng pelikula. Ang palabas, “Brother Sun, Sister Moon”, na ang bida ay si St. Francis of Assisi.
Wow, libreng sine! Pero talagang nakakayanig ang istorya. Nagkaroon siya ng superpowers kahit hindi siya nakagat ng mutant gagamba. Ang kanyang superpowers: pinili niyang mamuhay sa kahirapan, kahit galing siya sa mayamang angkan. Mabuti na lang at wala siyang asawa’t biyenan, at hindi na rin niya naging problema kung paano magpaaral ng anak sa kolehiyo.
Naalala ko ito dahil ang ika-4 ng Oktubre ay kapistahan ni San Francisco. Itinuturing siyang patron ng mga hayop at ng kalikasan. Sa katha niyang “Canticle of the Sun” makikita ang lalim ng kaugnayan ni St. Francis sa ‘Sangnilikha. May halaga rin pala ang mga ang mga bagay na nasa paligid natin, ang mga Hayop at Halaman, ang Araw, Buwan, Hangin, Tubig at Apoy. Ang pananampalataya pala ay hindi lamang tungkol sa pansariling kaligtasan ng kaluluwa, at hindi lamang tungkol sa tao.
Sa kasalukuyan, maigting ang pagtatalo sa lipunan tungkol sa moralidad at kasalanan. Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagmamahal sa buhay? Sapat na bang iligtas nating ang buhay at kaluluwa lamang tao, o may halaga din ba lahat ng mga nasa paligid natin?
Narito ang Ingles na salin ng Canticle of the Sun (mula sa http://www.webster.edu/~barrettb/canticle.htm):
Most high, all powerful, all good Lord! All praise is yours, all glory, all honor, and all blessing. To you, alone, Most High, do they belong. No mortal lips are worthy to pronounce your name.
Be praised, my Lord, through all your creatures, especially through my lord Brother Sun, who brings the day; and you give light through him. And he is beautiful and radiant in all his splendor! Of you, Most High, he bears the likeness.
Be praised, my Lord, through Sister Moon and the stars; in the heavens you have made them, precious and beautiful.
Be praised, my Lord, through Brothers Wind and Air, and clouds and storms, and all the weather, through which you give your creatures sustenance.
Be praised, My Lord, through Sister Water; she is very useful, and humble, and precious, and pure.
Be praised, my Lord, through Brother Fire, through whom you brighten the night. He is beautiful and cheerful, and powerful and strong.
Be praised, my Lord, through our sister Mother Earth, who feeds us and rules us, and produces various fruits with colored flowers and herbs.
Be praised, my Lord, through those who forgive for love of you; through those who endure sickness and trial. Happy those who endure in peace, for by you, Most High, they will be crowned.
Be praised, my Lord, through our Sister Bodily Death, from whose embrace no living person can escape. Woe to those who die in mortal sin! Happy those she finds doing your most holy will. The second death can do no harm to them.
Praise and bless my Lord, and give thanks, and serve him with great humility.
Totoo ba ang nababalitaan natin?
October 3, 2010Noong nakaraang Setyembre 29, iniulat ng pahayagang Inquirer ang wari’y pag-aatubili ng Malakanyang sa pagnanais nitong suportahan ang paggamit ng mga contraceptives (“Aquino blinks, seeks talks with Church”). Akala ko naman ay nagpaka-lampa na naman ang President at nagpatangay na naman sa agos.
Pero ayon din sa naturang ulat, ang sinabi ng Malakanyang sa pamamagitan ng tagapagsalitang si Edwin Lacierda ay bukas ang pamahalaan sa pakikipag-usap sa mga pinuno ng Simbahang Katoliko. O, eh nasaan ‘yung “blink” doon? Hindi naman nabanggit sa ulat na naglaro ng DotA si Pangulong Noy, at ang gamit niyang hero ay si Magina (mga magulang, humingi na lang kayo ng patnubay mula sa inyong mga anak tungkol sa DotA).
Ang tingin ko, mukhang nais lamang ng kung sino mang nagsulat ng headline na maging “spicy” ang balita. Siyempre, ang alam ng mga editor ay tinatangkilik ng mga tao ang “conflict” o tunggalian sa mga pangyayaring iniuulat nila. Kaya’t sa halip na “straight news” ang isulat, may halong “editorializing” o interpretasyon ang pamagat ng ulat.
Gusto ba natin ay isang diktador na basta na lang ipipilit ang gusto nito sa mga mamamayan? Hindi naman masama sa Pangulo na humingi ng pagkakataon na maipaliwanag ang ginagawa nila, ‘di ba?
Kasunod nito ay ang ulat na pinagbantaan daw ng Simbahang Katoliko na i-excommunicate o itiwalag sa Simbahan ang Pangulo. Ang batayan nito ay isang panayam ng Radyo Veritas kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Nereo Odchimar. Sa interbyu, ang sinabi ni Odchimar tungkol sa excommunication kontra sa Pangulo ay “that is a possibility, we will look into it.”
Kung tutuusin, “boring” nga namang basahin kung ibabalita na ang excommunication ay isang posibilidad lamang. Higit na makakapukaw ng atensyon ng mambabasa kung ang naturang mga pananalita ay i-interpret na lamang na isang “threat” o banta.
Hindi lamang ang Inquirer ang dapat sisihin sa ganitong uri ng pagbabalita. Kung tutuusin, hindi madali para sa mga editor ng mga pahayagan, telebisyon, at radyo na pukawin ang interes ng mga mambabasa o manonood. Kaya naman sari-saring gimik ang ginagawa para lang mapansin. Hostage-taking ba ‘ikamo? E ‘di kausapin sa ere ang hostage-taker, kahit pa ang dapat kausap nito ay mga negosyador ng pamahalaan. Madali namang lusutan eh, sabihin lang nila na ginagawa nila ang trabaho nila.
Sa halip tuloy na mahinahong talakayan, nauuwi sa maingay na batikusan ang isyu. Ang mga conflict na ito, masarap basahin sa nobela o panoorin sa pelikula. Delikado naman ito kung pamumuhay sa lipunan ang pag-uusapan. Sa mundong nililikha ng ating mga nababasa o napapanood, lahat ay magkakalaban, at dapat ay armado ang bawa’t isa sa atin upang patayin ang mga paniniwala ng inaakala nating kaaway.
Sa panahong ito ng mga makabagong paraan ng pagpapalabas ng mga impormasyon (tulad ng blog na ito), may ipinagkaiba pa ba ang media sa mga karaniwang mamamayan na naglalathala ng kanilang mga opinyon o video sa Internet? Ito ang hamon sa kanilang industriya. Ang hamon naman sa ating mga mamamayan ay papanagutin o gawing “accountable” ang media sa pagganap sa tungkulin nito.
Makabuluhan ba? Patas ba? Nakatutulong ba upang makabuo tayo ng mahinahong pasya? Ilan lamang ito sa mga dapat na itinatanong natin sa bawa’t ulat na nasasagap natin sa media.
Kung hindi, tayong mga bahagi ng lipunan ay patuloy na magiging sunud-sunuran sa mga agos na pawang inimbento lamang.






