Wanted: Komiks
October 18, 2010Malupit ang naging karanasan ko nu’ng Setyembre. Kasama ko ang anak ko na naghanap ng aklat sa isang bookstore (wala palang libro sa botika eh). Kailangan, nobela na nasa wikang Filipino, hindi pwede ‘yung mga baduy na libro mula sa Precious Hearts Romances, ha! Tapos kelangan magkakaiba silang magkakaklase. Eh ilang sila sa klase? Sixty yata! Tapos ‘yung mga librong gusto n’ya (gaya nu’ng “Para kay B” ni Ricky Lee) meron nang ibang nakakuha.
Pagdating namin sa bookstore… pambihira… ang hirap palang maghanap ng makabuluhang nobelang Tagalog!
At nang mahanap namin, natuklasan naming karamihan nang andu’n ay pawang oldskul… kasi naman, ‘di pa yata ipinapanganak ang mga magulang ko nang masulat ang karamihan sa mga ‘yun. Actually, OA naman ako, ‘yung iba, kapanahunan naman ng magulang ko nang masulat. Ang librong napili namin (kasi pinakamura) ay “Mga Kaluluwa sa Kumunoy” ni Efren Abueg. Ang setting ng istorya: panahon bago ideklara ang Martial Law. Batay sa mga pananalita, kilos at gawi ng mga tauhan, mukhang noong mga panahong ding iyon nasulat ang nobela.
Maganda rin naman ang kuwento, at mabuti naman, may nabibili pa ring mga ganitong uri ng nobela sa panahong ito. Pero… ‘asan na ‘yung mga mas bago? Mukhang wala nang nagsusulat ng mga makabagong nagsusulat ng nobela, at kung may nagsusulat man… malamang sa wikang Ingles. At saka ‘yung mga sikat sa bookstore ay ‘yung mga nobelang nangangagat ni Stephanie Meyer at mga tearjerker ni Kulas Sparks. Hindi ka cool ‘pag wala ka nu’n ‘di ba?
S’yempre lahat ng ito ay kasalanan ng Kongreso dahil hindi pa rin nila nari-repeal ang “Law of Supply and Demand”. Wala naman kasing tumatangkilk — walang demand — kaya natigil ang supply. Pa’no ka nga naman gaganahang magsulat ng nobela sa wikang Filipino kung wala namang nagbabasa? At bakit ka naman magbabasa kung pwede mo namang marinig at mapanood sa TV ‘di ba? ‘Di na natin kelangang mag-imagine, lahat ng impormasyon ay isinusubo na sa ating mga mata at tenga.
Kamakailan lang napaulat ang paghihingalo raw ng industriya ng komiks sa bansa. Hindi ko nga alam na may mga nagpa-publish pa pala ng PIlipinong komiks. Pero makikita mo naman ang mga Pinoy na nakikipag-agawan sa computer para maghanap ng mga iniskan na pahina ng manga o Japanese comics. Dahil ba Pinoy ang gumawa kaya ayaw na naman nating tangkilikin?
Sa tanda kong ito, nabasa ko pa sa komiks ang mga nobelang isinapelikula tulad ng “Bituing Walang Ningning”, “Blusang Itim”, “Pasan ko ang Daigdig,” “Zuma” at oo, “Ang Babaeng nawawala sa Sarili.” Hindi namin binibili ang komiks, ina-arkila lang namin sa tindahan ni Ka Doni. Ang buhay nga naman ‘pag walang TV o Facebook. ‘Pano nga kaya ang mangyayari sa mundo kung may isang robot tulad ni Zarbot na ginawang sex machine ni Celia (Aliwan Komiks, page 3)?
Sana nga may mga bagong superhero na dumating at gumawa uli ng mga ganitong uri ng libangan. Para naman may nababasa ang mga tulad naming naiinip sa paghihintay makapag-computer, kasi nakababad ang mga kasama namin sa bahay na adik sa Facebook.







You are still what you were, while I have learnd how to keep distance.
Posted by juicy couture outlet at December 21, 2010, 11:31 am